Nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) ang ₱519 milyong halaga ng imported na bigas sa apat na bodega sa Bulacan.
Natagpuan ng mga awtoridad ang 154,000 sako ng imported na bigas na nagmula sa Vietnam at Pakistan, at 60,000 sako ng palay.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa isang pahayag, kung ang mga may-ari ng bigas ay hindi nakapagpakita ng kaukulang mga dokumento, agad na gagawa ng legal na aksyon ang BOC at kukumpiskahin ang mga produko.
Ang BOC inspection team ay nagbigay ng mga letter of authority para sa inspeksyon sa kani-kanilang mga kinatawan ng mga bodega na matatagpuan sa Barangay Wakas sa Bocaue, at Barangay San Juan sa Balagtas.
Ito ay matapos makatanggap ng intelligence information ang nasabing kawanihan.
Sinabi ng BOC na pansamantalang naka-padlock ang mga bodega habang isinasagawa ang imbentaryo ng mga nakaimbak na imported na produkto.
Kung matatandaan, ni-raid at sinelyuhan din ng BOC ang tatlong warehouse sa Balagtas, Bulacan noong Agosto 25.
Napag-alamang nag-iimbak sila ng ₱505 milyong halaga ng imported na bigas.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang BOC na ipagpatuloy ang pagsalakay sa mga bodega upang matugunan ang mga isyu ng hoarding at iligal na pag-angkat ng bigas.