Walang problema sa mga taga Bureau of Customs kung nakatanggap man sila ng pagkondina sa ilang mga Senador kasunod ng isinagawa nitong pag-iimbestiga sa ilang flight crew ng Philippine Airlines.
Kaugnay ito ng pagkakakumpiska sa sampung fligt crew ng PAL ng tig-aapat na kilo ng sibuyas galing Middle East.
Ayon kay BOC spokesman Arnaldo dela Torre, welcome sa kanila ang naging reaksiyon ng ilang mga mambabatas at kanilang nauunawaan din sa kabilang banda ang sentimyento ng ating mga kababayan sa isyu.
Kaugnay nito ay inihayag ni dela Torre na magkaiba ang regulasyon na ipinapatupad sa mga flight crew attendant na nahulihan ng agricultural products kung ikukumpara sa anti-smuggling effort na ginagawa ng Bureau of Customs.
Sa naging sitwasyon aniya ng mga flight crew, ang iaaplay aniya nila dito ay ang Presidential Decree No. 1433 na dito ay kanila lamang gagawin ay confiscation o pagsamsam sa nahuling sibuyas at prutas.
Ibig sabihin, hindi Republic Act 10845 o Anti-Smuggling Law of 2016 ang kanilang inilapat na aksiyon sa mga kinauukulan.










