Nadiskubre ng pinagsamang pwersa ng Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency at Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang isang stash ng pinaghihinalaang shabu na nakatago sa abandonadong bagahe sa NAIA Terminal 1.
Ang naturang bagahe ay pag-aari umano ng isang Ugandan passenger na dumating sa bansa sakay ng Ethiopian Airlines flight number ET628 at Philippine Airlines flight number PR 737.
Dumaan sa x-ray,K9 sniffing at pisikal na pagsusuri ang bagahe at dito na bumulaga ang 2.846 na kilo ng pinaghihinalaang shabu na nakasilid sa lalagyan ng tools at iba pang personal na gamit.
Matapos ang mga pagsusuri ay kinumpirma ito ng Philippine Drug Enforcement Agency at mayroon itong market Value na Php 19,352,800.
Nakatakda namang isailalim sa seizure at forfeiture proceedings ang mga nasamsam na bagahe habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang pasahero para sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at R.A 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act.
Binigyang diin naman ng Bureau of Customs na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang commitment ng kanilang ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na kalakal sa bansa.