-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Bureau of Jail Management and Penology ang claim ng hackers na nakompormiso ang private at sensitibong data ng bureau.

Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw kasunod ng insidente ng cybersecurity breach sa website nito na kagagawan ng Philippines exodus security, isang hacker groups na kilala sa pagtarget sa mga website ng gobyerno.

Ayon sa bureau, kasalukuyang under maintenance ang kanilang website at binibilisan na rin ang planong paglipat sa mas ligtas na platform.

Inihayag din ng ahensiya nang madiskubre nila ang breach sa website, agad na naglunsad ng komprehensibong imbestigasyon at nagpatupad ng kaukulang hakbang para mapigilan ang epekto nito kabilang ang pagpapalit ng password at pagsasagawa ng imbentaryo para matukoy ang anumang posibleng nawalang data.

Ang naturang cyberattack ay inanunsiyo sa online account ng Deep Web Konek na isang grupo na nagpakilalang cybersecurity enthusiasts na nagmomonitor sa dark web activities sa Pilipinas.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo, inatake rin ng mga hacker ang website ng DOST.

Ang naturang cyberattack ayon sa DICT ay posibleng ransomware o political attack.