Nakiisa rin ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagtulong sa Brigada Eskwela 2022 para sa papalapit na muling babalik eskwela ng mga mag-aaral sa Pilipinas.
Ayon kay BJMP Chief Jail Director Allan Iral, nasa mahigit 1,000 na mga tauhan ng kanilang kagawaran ang tumulong sa Department of Education (DepEd) sa paghahanda sa mga paaralan para sa muling pagbubukas ng mga klase sa bansa sa darating na Agosto 22 sa pamamagitan ng mga pagkukumpuni ng ilang kagamitan sa silid aralan, pakikiisa sa mga clean up activitiesm at iba marami pang iba.
Aniya, ito ay bahagi ng kanilang pagpapahayag ng suporta sa Kagawaran ng Edukasyon sa layunin nitong lumikha ng mas magandang kapaligirian sa pag-aaral para sa mga mag-aaral sa gitna ng pandemyang patuloy na hinaharap pa rin ng bayan.
Samantala, una rito ay nananawagan na rin si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. sa buong Department of Interior and Local Government, na kinabibilangan naman ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), BJMP, at sa lahat ng mga local government units na tumulong at makipagkaisa rin sa nasabing taunang aktibidad na ito ng DepEd para sa paghahanda ng mga paaralan sa tuwing magsisimula na ang pasukan.