KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon sa lockup cell ng Isulan PNP ang isang biyenan matapos nitong mapatay ang kaniyang manugang sa Purok. Mabuhay, Brgy. Bambad, Isulan, Sultan Kudarat.

Sa impormasyong ipinaabot sa Bombo Radyo Koronadal ni Bombo Correspondent Larry Geronio, kinilala ang suspek na si Jose Denosta, 67 habang ang biktima naman ay si Melvin Talimudao, 33.

Napag-alamang nagtalo umano si Melvin at ang asawa nito at dahil sa labis na galit ay kumuha ito ng kutsilyo at tinangkang saksakin ang kanyang asawa sa harap mismo ng kanilang dalawang anak.

Dahil sa takot ng dalawang bata ay nagsumbong ang mga ito sa kanilang lolo na si Jose at sa labis na galit ay sinugod ng suspek ang manugang at naaktuhang tinatangkang saksakin ang kaniyang anak na naging dahilan upang barilin niya ito ng ilang beses gamit ang 12 gauge shotgun.

Nagtamo ng tama ng bala sa balikat at tiyan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Agad namang nahuli ang biyenan na bumaril patay sa kaniyang manugang at nakatakdang sampahan ng kaso.