ROXAS CITY – Nananatiling nakaalerto ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Capiz dahil sa Bagyong Ursula.

Ito ang inihayag ni PDRRMO-Capiz head Judy Grace Pelaez nang makapanayam ng Bombo Radyo kasunod ng pagsasailalim na sa tropical cyclone signal No. 2 sa lalawigan.

Ayon kay Pelaez, hindi pa man nakapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ay nagsagawa na sila ng emergency response preparedness meeting upang mapaghandaan ang pinsalang dala nito.

Mahigpit naman ang kooperasyon ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno katulad ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Department of Social Welfare and Development Office, Philippine Red Cross, at local government units, na nakahandang magresponde sa oras na kailanganin.

Kaugnay nito, kinansela ang biyahe ng lahat ng klase ng sasakyang-pandagat at barko sa mga pantalan sa Lungsod ng Roxas base sa abiso ng Philippine Coast Guard.