-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Apektado na ang biyahe ng mga overseas Filipino worker (OFW) mula Hongkong patungong Pilipinas dahil sa mga kanseladong flight dulot ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gigi Arquero, tubong City of Ilagan at isang OFW sa HongKong, dalawang beses na siyang nagpabalik-balik sa International Airport sa Hong Kong ngunit kanselado ang kanyang flight patungong Maynila.

Sinabi niya na tapos na ang kanyang kontrata ngunit nagkaroon siya ng panibagong employer kaya kailangan lamang niyang umuwi upang maka-exit bago siya muling bumalik ng Hong Kong para magtrabaho.

Mayroon din anyang 20 senior Citizens na American-Filipino Citizen na nanggaling sa Los Angeles, California sa Amerika ang stranded ngayon sa Hong Kong International Airport dahil hindi pinapayagang makabiyahe patungong Pilipinas.

Naghihigpit na rin ang pamahalaan ng Hong Kong sa kanilang mga mamamayan upang hindi mahawaan ng 2019-nCoV.

Hindi na rin pinapalabas ng mga employer ang mga OFW upang magday-off.

Sa ngayon ay umaasa si Arquero na makakauwi sa bansa at hinihintay na lamang kung mayroong flight patungong Pilipinas.