KORONADAL CITY- Kung tatanungin umano ang naiwang pamilya ng Pinay domestic helper na pinatay sa Kuwait, nararapat umano na buhay din ang maging kapalit sa kanilang ginawang pagpatay kay Jeanelyn Villavende.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Avelardo Villavende, amay ng biktima, kamatayan ang dapat na maging parusa sa mag-asawang employer na itinuturong nagmaltrato at pumatay kay Jeanelyn.

Ayon kay Padernal, buhay ang kanilang kinuha, nararapat lang na buhay din ang maging kapalit.

Ito umano ang kanilang gusto upang maramdaman din ng pamilya ng mga suspek ang labis na sakit, galit at pagdadalamhati na kanilang dinadanas sa ngayon pagkamatay ng kanilang kamag-anak.

Sa ganito umanong paraan mararamdaman nila ang totoong hustisya para sa pinatay na overseas Filipino worker (OFW).

Samantala, panawagan din ang pamilya Villavende na maglalabas na matapang na pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa biktima.

Sa ngayon, umaasa naman ang pamilya ni Jeanelyn na sa lalong madaling panahon ay maiuwi na ang bangkay nito lalo pa’t nakahanda na ang lahat para sa kanyang pagdating sa kanyang pamilya sa bayan ng Norala, South Cotabato.