CEBU CITY – Sinabayan ng magandang panahon ang isinagawang Sinulog fluvial procession sa karagatan ng Cebu kung saan sinabayan ng daan-daang vessels ang imahe ni Señor Sto. Niño.
Napuno ng palamuti ang halos 160 na mga shipping vessels kung saan sinabayan nito ang Batang Hesus na sakay ng isang galeon.
Una nito, malugod na tinanggap ng mga taga-Lapu-Lapu City si Sto. Niño pagdating nito sa National Shrine of Our Lady of Rule sa nasabing lungsod.
Mula sa simbahan, dinala ang imahe ng batang Hesus sa Naval Forces Central sa lungsod ng Lapu-Lapu at ibabyahe ito patungong Pier 1 sa Cebu City.
Sinara naman kaninang madaling araw ang Mactan-Mandaue Bridge alinsunod sa prusisyon at pansamantalang pinatay ang cellphone signal bilang bahagi ng security measures.
Pagkatapos ng parada, inihatid naman si Sto. Niño pabalik sa Basilica Minore del Sto. Niño at sinundan ng isang misa.
Sa hapon, isasagawa rin ang solemn foot procession kung saan dadaan ang batang Hesus sa ilang mga major roads sa lungsod ng Cebu.