-- Advertisements --
image 281

Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng San Juan city ang pagpanaw ni incumbent Vice Mayor Warren Villa nitong gabi ng linggo, June 18.

Sa isang pahayag, ipinaabot ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang malungkot na balita sa pagpanaw ng Bise Alkalde sa tabi ng kaniyang asawa at anak bagamat hindi na idinetalye pa ang sanhi ng pagkamatay ng opisyal.

Ayon sa alkalde, malapit na kaibigan niya ang namayapang Bise-alkalde at nagluluksa ito sa pagkawala ng kababayaang San Juaneño kung saan habambuhay aniyang bibigyang pugay ang hindi matatawarang kontribusyon nito sa progreso ng lungsod.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang Alklade sa kabutihan at commitment ni Villa sa pagseserbisyo publiko.

Hiniling din ng local executive sa publiko na isama sa kanilang dasal ang pamilya ng yumaong Bise Alkalde sa gitna ng kanilang pagdadalamhati

Kaugnay nito, inanunsiyo ng Public information Office ng siyudad na kanselado muna ang mga aktibidad at events ngayong araw, June 19 upang mabigyan ng panahon ang mga empleyado ng city hall at pamilya Villa na magluksa at magbigay pugay sa namayapang Bise alkalde.