Aabot sa P3.15 billion tax liabilities ang inaasahang makokolekta ng gobyerno, kapag natapos ang paghahabol sa 84 na sinampahan ng kaso sa first half ng taong 2021.
Iniulat din ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may 274 firms silang naipasara, para mabawi ang P1.014 billion unpaid taxes.
Maliban sa mga ito, mayroon ding 17 kaso na ang nai-akyat sa Court of Tax Appeals (CTA), hanggang nitong nagdaang buwan ng Hunyo.
Kung magtatagumpay ang mga kasong ito, makakakolekta ang pamahalaan ng P1.54 billion para sa total tax liabilities ng mga inirereklamo.
Ayon kay BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa, ang kampanya ng kanilang kawanihan laban sa mga hindi nagbabayad ng buwis at hindi nagdedeklara ng tamang buwis ay nakapaloob sa programang Run After Tax Evaders (RATE).