Naglulunsad ang BIR ng all-out na kampanya laban sa mga negosyong gumagamit ng mga pekeng resibo.
Sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui,Jr. na bumuo ang kawanihan ng task force, na tinatawag na Run After Fake Transactions (RAFT).
Ito ay para imbestigahan at sugpuin ang mga merchant sa buong bansa na gumagamit ng mga pekeng invoice at resibo.
Aniya, may inisyal na listahan ang BIR ng mga bumibili ng mga pekeng sales document.
Ang impormasyon, ayon sa kanya, ay nakuha sa isang raid noong nakaraang taon sa isang condominium unit sa Eastwood area ng Quezon City, kung saan nasamsam ang malaking bilang ng mga iligal na dokumentong ito.
Kung matatandaan, ang mga pangalan ng mga mamimili ay natagpuang nakalimbag sa mga resibo at invoice booklet.
Naisampa na ang mga kasong kriminal laban sa mga printer at accountant na sangkot sa scheme, na hahawakan ng Department of Justice.
Ayon kay Lumagui, ang Run After Fake Transactions ay isang task force na direktang naka-attach sa kanyang opisina, at tututukan nito ang pag-iimbestiga sa mga mamimili, nagbebenta, at accountant na tumutulong sa mga mangangalakal sa pagsasagawa ng pandaraya sa buwis.