Mas pinaigting pa lalo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga pagbabantay nila ng mga iligal na bentahan ng sigarilyo at alak.
Naglunsad ang nasabing ahensiya ng nationwide crackdown sa ilang lugar gaya ng Cabanatuan City sa Nueva Ecija, Talisay City sa Camarines Norte, Camarines Sur, Bacolod City, Davao City at sa Metro Manila.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr na kadalasan sa mga paglabag na kanilang nasita ay ang kawalan ng excise tax stamp.
May ilang nasita rin ang mga ito na naglagay ng stamp sa gilid ng bote imbes na ilagay sa paligid ng bote o sa kaha ng sigarilyo na malinaw na balak ng mga ito na muling gamitin o i-recycle ang nasabing mga stamps.
Dahil dito ay kinumpiska nila ang mga bote ng alak at sigarilyo na kanilang gagamitin para sa pagsampa ng kaukulang mga kaso.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng mababang excise tax collection sa ilang taon kaya pinaigting nila ang pagkumpiska ng mga iligal na bentahan ng alak at sigarilyo.