-- Advertisements --

Pormal nang nilagdaan nitong Miyerkules, Pebrero 8, ni Negros Oriental Governor Roel Degamo ang Executive Order No. 3 o ang Joint Task Force Octopus na una nang kinilalang Joint Task Force Leon Kilat.

Inihayag pa ni Degamo na layunin pa nitong palakasin ang kakayahan ng lalawigan sa pag-detect, pag-iwas at pag-neutralize sa mga ilegal na aktibidad, paghuli sa mga lawless elements, at pagprotekta sa kapaligiran.

Dagdag pa ng gobernador na prayoridad nito ang pagbibigay-seguridad sa lalawigan magandang kinabukasan, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagtigil sa lahat ng uri ng kriminalidad.

Gaya ng isang octopus na may 8 galamay, may iba’t ibang ahensya ang italaga para tutukan ang Intelligence-Gathering, Anti-Criminality, Anti-Insurgency, Anti-Terrorism, Crisis Management o Disaster Response, Anti- Ilegal na Pagsusugal, Anti-Illegal na Droga at Anti-Cybercrime.

Nakatuon ang Intelligence-Gathering Task Group sa pagtitipon ng impormasyon na may kaugnayan sa pangkalahatang mga gawain ng JTF at panatilihing updated ang Executive Committee.

Ang Anti-Insurgency task group ay responsable sa mga operasyon laban sa lokal na pag-aalsa, kabilang ang mga pinahusay na inisyatiba ng CMO upang hikayatin ang mga pagsuko, gayundin ang pagsugpo at pag-iwas sa suporta at logistik na dulot ng insurhensya.

Sunod, ang Anti-Criminality group naman ay uunahin ang pagtukoy, pag-imbestiga at pag-uusig sa mga may kagagawan ng pagpatay lalo na sa mga high profile at politically-motivated.

Habang ang Anti-Terrorism task group ay sisiguraduhin ang maagap at koordinadong pagtugon sa mga pag-atake ng terorista na may priyoridad na pagtuon sa kaligtasan ng mga sibilyan, pag-iwas sa mga pag-atake at pagsasanay na nauugnay dito.

Ang task group illegal gambling at illegal drugs naman ay siyang tututok sa paglaban sa ilegal na droga at mga pagsugal.

Tungkulin naman ng Crisis Management task group ay tiyaking maagap, magkakaugnay at nagkakaisang pagtugon sa natural and man-made disasters.

At ang panghuli, mangunguna ang Task Group on Anti-Cybercrime sa imbestigasyon at pag-uusig sa mga cybercrime.

Pangungunahan naman ang task-force ni dating pinuno ng Commission on Human Rights (CHR) na si Dr. Jesus A. Cañete.