Nakatakdang parangalan ang P-pop girl group na BINI bilang “Global Force” honoree ng Billboard sa nalalapit nitong Women in Music ceremony.
Inanunsyo ang pagkilala noong Abril 11, ilang oras bago ang makasaysayang pagtatanghal ng grupo sa Coachella Valley Music and Arts Festival, kung saan sila ang kauna-unahang all-Filipino act na nag-perform.
Dahil dito, naging pangalawang Filipina act ang BINI na tumanggap ng naturang parangal, kasunod ni Sarah Geronimo noong 2024, at kauna-unahang Filipino group na nabigyan ng pagkilalang ito.
Kabilang din sa mga pararangalan sa nasabing event ang iba pang international artists tulad ng The Beaches, Kehlani, Laufey, Tate McRae, Teyana Taylor, Thalía, at Zara Larsson.
Gaganapin ang seremonya sa Hollywood Palladium sa Los Angeles sa Abril 29 at mapapanood ito online sa opisyal na website at YouTube channel ng Billboard.
Matatandaang kamakailan lamang ay ginawaran din ang BINI ng “Powerhouse” award ng Billboard Philippines, kung saan ibinahagi ng lider na si Jhoanna ang kahalagahan ng consistency at pagpapatuloy sa kabila ng mga hamon.
Binubuo ang grupo nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena, at kilala sa mga hit songs tulad ng “Pantropiko,” “Salamin, Salamin,” “Lagi,” at “I Feel Good.”















