-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hindi na mahihirapan ang mga otoridad sa pagsampa ng kasong rape with homicide laban sa suspek na gumahasa at pumatay sa dalaga sa Barangay Abangay, Janiuay, Iloilo.

Ang biktima ay kinilalang si Ronalyn Bravio, 19-anyos, habang ang suspek ay ang pinsan nitong si Rhegie Levoit, 42-anyos.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay P/Capt. Dadjie Delima, hepe ng Janiuay Municipal Police Station, sinabi nito na ngayong araw ay makokompleto na ang affidavit ng 14-anyos na si alyas Toto na anak ng suspek na tatayong testigo laban sa kanyang ama.

Ayon kay Delima, sinabihan na ang suspek na isasailalim sa DNA test kaya bakit napaamin ito.

Sumama pa aniya sa hot pursuit operation ng kapulisan ang suspek at habang nakasakay ito sa patrol car kasama ang anak, naobserbahan ng pulis na pinagagalitan ni Levoit ang anak.

Dito na nagduda ang pulisya at nang tinanong ang binatilyo, hindi na ito nagdalawang-isip na ibunyag ang krimeng ginawa ng kanyang ama.