Pinasisiyasat ng minorya sa Kamara ang pagbagsak ng “wholesale prices” sa mga piling produktong pang-agrikultura sa gitna ng pagtaas sa presyo ng langis at abono.
Batay sa House Resolution 2513 na dahil sa pananakop ng Russia sa Ukraine ay naging sanhi ito ng pagtaas sa presyo ng langis at abono sa buong mundo na nakaapekto sa presyo ng lokal na langis, ngunit ang sariling mga produkto naman ng mga magsasaka ay binabarat o binibili ng bagsak presyo.
Lumalabas na sa kabila ng tumataas na input costs, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang ilang piling agricultural products sa napakababang halaga.
Ilang grupo ng mga magsasaka ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil sa malaking lugi dahil sa mababang kita.
Napilitan ang mga magsasaka na ibenta ang presyo ng sibuyas sa halagang P20 kada kilo mula sa dating P30 hanggang P40 per kilo; repolyo sa P9 hanggang P10 kada kilo at celery P5 kada kilo.
Dahil dito ay pinakikilos na ang House Committee on Agriculture and Food na silipin ang pagbagsak sa wholesale prices ng agricultural products gayundin ang epekto sa kabuhayan ng mga local farmer at mga consumer.