-- Advertisements --

Pinabibilisan ni opposition Senator Leila de Lima sa panig ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanap ng hustisya sa pinatay na salon owner at dating tabloid editor na si Gwen Salamida.

Ayon kay De Lima, nakakalungkot na nadagdagan na naman ang nasawing journalist sa panahon ng Duterte administration.

Si De Lima, na isang social justice at human rights lawyer ay hinamon ni PNP Chief Guillermo Eleazar na tuparin ang pangako sa pamilya Salamida na gagawin ang lahat para sa imbestigasyon para maibigay ang katarungan para sa nasawing mamamahayag.

“Mariin nating kinokondena ang isa na namang karumal-dumal na pagpatay sa kawani ng media. Kailangang magsagawa ng mabilis at patas na imbestigasyon para mapanagot ang nasa likod ng krimen na ito, kung hindi ay mapapabilang lang ito sa mga numero ng mga walang pinatutunguhang kaso ng pamamaslang,” wika ni De Lima.

Nabatid na pinatay ang dating tabloid editor sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo, habang kritikal naman ang kasamahan nito habang nasa salon na kanilang pag-aari noong ika-17 ng Agosto.

Sa kasalukuyan, may testigo nang nagsabing hindi pagnanakaw ang posibleng intensyon ng salarin at sa halip, pinagplanuhan ang pagpatay kay Salamida.