-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Humihina na ang puwersa ng New Peoples Army (NPA) sa probinsya ng Cotabato.

Ito mismo ang kinumpirma ni Noel Legaspi alyas Kumander Efren Akasato,dating tagapagsalita ng National Democratic Front-Far South Mindanao Region.

Resulta ito ng tuloy-tuloy na kampanya ng pamahalaan para wakasan ang problema sa insurhensiya.

Kahit humihina na ang pwersa ng NPA sa probinsya ng Cotabato ay tuloy-tuloy parin ang kanilang pangongolekta ng revolutionary tax.

Halos nakawan na ng mga NPA ang mga magsasaka at pinipilit nilang hingan ng revolutionary tax lalo na sa kabundukan.

Karamihan sa mga sibilyan na nakatira sa mga malalayong lugar ay binabantaan pa ng mga rebelde na papatayin kung ayaw nilang magbigay ng suporta sa pinaglalaban ng mga makakaliwang grupo.

Dagdag ni Legaspi na noong aktibo pa ito sa kilusan, abot aniya sa P2 milyong ang kanilang nakokolekta sa isang buwan sa buong rehiyon.

Si Ka Efren ay dati ring aktibong miyembro ng Guerilla Front 72 na kumikilos sa ilang mga bayan sa North Cotabato.

Sinabi naman ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Regional Director Eduardo Marquez, isa aniya sa basehan sa paghina ng pwersa ng NPA sa probinsya ng Cotabato ay ang hindi na rin aniya pagkakaroon ng mga kilos protesta sa Kidapawan City.

Ibig sabihin nito, kaunti nalang aniya ang interesadong dumalo sa kanilang kilos protesta at maging sa kanilang kilusan.

Samantala, magpapatuloy aniya ang hakbang na ginagawa na gobyerno upang hikayatin ang mga miyembro ng NPA na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.

Malaking tulong anya ang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng EO70 o National Task Force Ending Local Communist Armed Conflict NTF-ELCAC.

Sina Legazpi at Marquez ay parehong resource speaker sa isinagawang Media orientation seminar sa ELCAC sa Kidapawan City.