Sumampa na ngayong umaga ng Martes, Agosto 11, sa 19 ang bilang ng mga nasawi sa pinagsamang epekto ng monsoon rains na pinalakas pa ng nagdaang bagyong Luis at Maymay.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga nasawi ang 12 katao dahil sa landslide na tumama sa Baguio, La Trinidad at Atok sa Benguet.
Sa probinsiya naman ng Rizal, apat na ang kumpirmadong nasawi habang tatlo naman ang binawian ng buhay sa Batangas dahil sa landslide, pagguho ng lupa, pagkakuryente at nabagsakan ng puno.
Nagtamo rin ng injuries ang 15 katao bunsod ng malalakas na pag-ulan habang may apat na iba pang nawawala.
Sa ngayon, apektado ang aabot sa 2.2 milyong indibidwal kung saan nananatili sa mga evacuation center ang 26,000 katao.
Pumalo naman na sa P1.4 billion ang halaga ng danyos sa imprastruktura at P135 million sa agrikultura.
Patuloy naman sa paghahatid ng tulong ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan sa mga sinalantang pamilya kung saan umaabot na sa P73.5 million ang naibigay na assistance.
















