Umakyat na sa 27 ang naiulat na bilang ng mga nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at Bagyong Egay.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nagpakita ang pinakahuling ulat na 25 sa mga naiulat na pagkamatay na ito ay napapailalim sa validation, habang dalawa ang nakumpirma na.
Labintatlong indibidwal din ang naiulat na nawawala, habang 52 ang nasugatan.
Mahigit 2.8 milyong katao, o 765,000 pamilya ang naapektuhan ng patuloy na pag-ulan at pagbaha sa 4,646 na barangay sa buong bansa.
Sa nasabing bilang, 289,713 indibidwal ang nawalan ng tirahan at inilipat sa 677 evacuation centers.
Sinabi ng NDRRMC na 50,371 bahay ang nasira at 48,495 dito ang partially damaged, habang 1,876 ang totally damaged.
May 154 na lugar din ang idineklara sa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng Egay at ng Habagat.
Una na rito, hindi bababa sa P187.4 milyong halaga ng tulong ang naibigay na sa mga apektadong rehiyon sa buong bansa.