Iniulat ng Davao City Health Office nitong Biyernes, Mayo 30 na may anim na kumpirmadong kaso na ng monkeypox ang lungsod simula noong Abril, kabilang ang dalawang kaso noong nakaraang buwan, kung saan isa ang nasawi dahil sa komplikasyon.
Ayon kay Dr. Sofia Corazon Zafra, ang natitirang mga pasyente ay nasa maayos na kalagayan at patuloy na minomonitor, kasama na rin ang kanilang mga close contacts na hanggang ngayon ay hindi nagpapakita ng sintomas.
Sa kabila ng mga panibagong kaso, hindi pa rin ipinatutupad ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa Davao City, taliwas sa mahigpit na patakaran sa mga karatig-lalawigan gaya ng Davao del Sur at Compostela, Davao de Oro.
Nag-viral kasi ang video ng content creator na si Cornelius Corsame kung saan makikitang dagsa ang tao sa pagbili ng face mask sa Uyanguren, Davao City.
Ayon sa kanya, karamihan sa mga mamimili ay mga supplier talaga para i-benta ang mga facemask, habang ang iba naman ay para sa personal na proteksyon.
Nilinaw naman ng City Health Office na hindi kailangang mag-panic o mag-hoard ng face masks dahil ang monkeypox ay hindi umano airborne. Nakukuha lamang ito sa malapitang physical contact, lalo na sa balat.
Gayunpaman, pinayuhan ni Dr. Zafra ang publiko na maaari pa ring magsuot ng face mask bilang dagdag-proteksyon, lalo na ngayong tag-ulan at panahon ng trangkaso.