Naka-heightened alert ngayon ang Department of Health-7 dahil sa kamakailang naiulat na mga kaso ng monkeypox (Mpox).
Ang Mpox ay isang nakakahawang sakit na dulot ng monkeypox virus, na pangunahing naipapasa sa pamamagitan ng close at intimate contact sa isang taong nahawaan. Kabilang dito ang pakikipag-usap, paghinga nang malapit, paghalik, paghawak, pagyakap, o pakikipagtalik.
Binigyang-diin pa ng kagawaran ang kahalagahan ng patuloy na pagbabantay at mahigpit na pagsunod sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Bilang tugon sa kasalukuyang sitwasyon, pinaigting ng DOH-7 ang kanilang monitoring at hinihimok ang publiko na manatiling proactive kung saan nananatiling mahalaga pa ang pagpapanatili ng hygiene practices lalo na sa mga pampublikong lugar.
Tiniyak pa ni DOH-7 Regional Director Joshua Brillantes sa publiko na nakaalerto ang kanilang health system at nakahandang tumugon.
Sinabi pa ni Brillantes na priyoridad nila ang maagang pagtuklas, malinaw na komunikasyon, at proteksyon ng bawat indibidwal, lalo na sa mga bulnerableng sektor.
Hiling naman nito sa lahat ang pang-unawa at iwasan ang takot at diskriminasyon, dahil maaaring maapektuhan ng Mpox ang sinuman.
Hinikayat din nito ang mga indibidwal na nakakaranas ng mga sintomas na nagpapahiwatig ng Mpox na humingi ng medikal na konsultasyon sa pinakamalapit na health center o makipag-ugnayan sa DOH Central Visayas CHD Regional Emergency Operations Center sa pamamagitan ng mga sumusunod na numero: #0711, 0945-157-6004, at 0943-568-3298.