Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi epektibong proteksyon laban sa monkeypox (mpox) ang pagsusuot ng facemask sa halip, iwasan aniya ang kissing at hugging upang makaiwas sa sakit.
Ayon kay DOH spokesperson Dr. Albert Domingo, hindi airborne ang mpox kaya’t hindi face mask ang pangunahing panangga rito dagdag pa ng tagapagsalita ng kalihim na pwede aniyang mag-face mask ang isang tao pero kung magki-kissing at hugging, maaari ka pa rin aniyang mahawa ng sakit.
Nabatid na ang mpox ay naipapasa sa pamamagitan ng physical contact, gaya ng balat-sa-balat, pag-halik, o pag-yakap kahit na walang pagtatalik.
Bagamat tumataas ang kaso ng mpox, sinabi ng DOH na mas mababa ito kumpara noong 2024 kung saan lahat ng kaso sa bansa ay na-categorized bilang Clade II, na mas mild at hindi masyadong nakakahawa kumpara aniya sa Clade 1b na mas madaling nakakahawa at ayon sa ahensya wala pang naitatalang kaso sa Pilipinas.
Pinabulaanan din ng DOH ang mga maling impormasyon tungkol sa pag-imposed ng lockdown dahil sa mpox.