Umaasa ang ilang pamilya ng mga biktima ng pagkalason sa lambanog na makakauwi na sila bago sumapit ang bagong taon.
Nitong araw nang mabawasan pa ang bilang ng mga pasyenteng naka-confine sa Philippine General Hospital (PGH).
Mula sa 42 pasyente kahapon nabawasan ito ng tatlo at nasa 39 na lang ngayon.
Sa ilalim ng bilang, 12 pasyente pa ang nasa Emergency Room, habang 26 ang nasa Ward.
May isa namang nananatili pa sa Intensive Care Unit ng ospital.
Samantala nagpapagaling at inoobserbahan pa ang ilang pasyente na dinala sa East Avenue Medical Center at iba pang ospital dito sa Maynila.
Nitong Miyerkules nang kumpirmahin ng Food and Drug Administration (FDA) na nag-positibo sa high level ng methanol ang 5 mula sa 7 samples ng lambanog na binili mula sa Emma’s Lambanog store, Rey Lambanog at Orlanda Mapa store.
Ayon sa FDA nasa pagitan ng 11.4-percent at 18.2-percent ang level ng methanol na nakita sa mga naturang mga brand ng inumin, na labis ang laki mula sa 0.5-percent na kaya lang tanggapin ng katawan ng isang tao.
Hindi naman pasok sa listahan ng 14 na brands ng lambanog ang naturang mga produkto na rehistrado at may certifcation ng FDA.
Aminado ang lokal na pamahalaan ng Rizal sa Laguna, kung saan unang pumutok ang kaso, na nahirapan din silang kumbinsihin ang mga kababayang nabiktima na magpasugod sa mga pagamutan sa Maynila.
Pero tiniyak ng local government unit na makakatanggap ng tulong pinansyal ang pamilya ng mga namatayan at iba pang biktima kasunod ng pagdedeklara ng state of emergency sa kanilang bayan.
Kung maaalala, 15 ang namatay dahil sa pag-inom ng nasabing mga brand ng lambanog. 12 dito ang residente ng Rizal, Laguna habang tatlo ang galing sa Candelaria, Quezon.