-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang pagmonitor ng Department of Health (DoH)-Cordillera sa mga biktima ng paputok dito sa Cordillera Region sa nakaraang Pasko at sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ayon kay DOH-Cordillera public information officer Patrick Pineda, aabot na sa 19 ang naitatala nilang mga firecracker-related injuries sa rehiyon mula noong December 21, 2019 hanggang kahapon, January 3, 2020.

Naitala aniya ng lalawigan ng Abra ang pinakamataas na bilang na aabot sa walo habang tig-tatlo sa mga lalawigan ng Kalinga, Mountain Province at Baguio City habang dalawa naman sa lalawigan ng Benguet.

Ipinagmamalaki naman ng mga lalawigan ng Apayao at Ifugao ang zero firecracker injury na rekord ng mga ito.

Ayon kay Pineda, pinakabata sa mga biktima ay singko anyos habang pinakamatanda ay 61-anyos.

Aniya, mas mataas ang naitalang firecracker-related injuries dito sa Cordillera ngayong monitoring period kung ihahambing sa 13 na firecracker-related injuries na naitala noong December 21, 2018 hanggang January 2019.

Posible pa aniyang madagdagan ang kasalukuyang bilang ng mga biktima ng firecracker-related injuries sa rehiyon hanggat hindi nagtatapos ang reporting period.

Samantala, pinuri ni Police Brigadier General Israel Ephraim Dickson, direktor ng Police Regional Office – Cordillera ang mga firecracker o pyrotechnic dealers sa rehiyon dahil sa pagsunod ng mga ito sa batas at panuntunan sa pagbebenta ng mga legal na paputok.