-- Advertisements --

Umabot na sa 78 katao ang bilang ng mga nasawi bunsod ng pagtama ng Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao, batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)

Ang naturang report ay inilabas ngayong araw, June 18, 2026, sampung araw matapos maganap ang malagim na pagyanig.

Ayon sa NDRRMC, karamihan sa mga napaulat na nasawi ay mula sa SOCCSKSARGEN region habang 21 ang mula sa Davao region.

Humigit kumulang 1,339 ang napaulat na nasugatan habang 30 katao naman ang patuloy na pinaghahanap.

Mahigit 18,000 indibidwal sa kasalukuyan ang nananatili sa evacuation centers mula sa humigit kumulang 1.4 milyong apektado ng lindol.

Ang mga ito ay mula sa Zamboanga Region, Davao, SOCCSKSARGEN at BARMM.

Nilinaw naman ng NDRRMC na ang mga napaulat na nasawi ay kinakailangan pang dumaan sa validation ng Management of the Dead and Missing, isang opisina na pinangangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).