Pumalo na sa walo ang bilang ng mga nasawi kasunod ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng isang low-pressure area sa Davao region.
Na-retrieve ng mga rescuer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga bangkay ng isang 98-anyos na babae na natabunan sa landslide sa Monkayo at isang lalaking nalunod sa Barangay Kingking sa Pantukan.
Sa ulat nitong alas-8 ng umaga kahapon, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na lima sa mga nasawi ay na-validate na.
Sinabi ng NDRRMC na tumaas ang bilang ng mga apektadong pamilya sa Davao at Caraga sa 143,047 o 529,583 katao.
Hindi bababa sa 153 na lugar sa Caraga, Davao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang naapektuhan ng pagbaha.
Sinabi ng NDRRMC na 1,304 ektarya ng agricultural land ang nasira sa tatlong rehiyon. Ang halaga ng pagkalugi ay hindi pa matukoy.
Samantala, ang mga pangunahing kalsada sa Davao del Norte ay nanatiling hindi madaanan dahil sa baha, ayon sa provincial DRRMC.
Sa ngayon ay nakapagbigay na ang gobyerno ng P3.2 milyon bilang tulong sa mga biktima, sinabi ng NDRRMC.