-- Advertisements --

Nakikitaan ng Department of Justice (DOJ) ng pagtaas sa bilang ng mga nareresolbang krimen dito sa Pilipinas laban sa mga miyembro ng media.

Mula raw kasi noong 1986 hanggang ngayon ay aabot na ng 244 kaso ng karahasan sa mga media practitioners ang iniuulat sa naturang ahensya. Sa nasabing bilang, 180 ang pinatay at 68 naman ang pinaniniwalaan na ang kanilang pagkamatay ay dahil na rin sa kanilang trabaho bilang miyembro ng media.

Sa 68 kaso ay kasama na rito ang 32 kaso ng pagpatay na nangyari noong Maguindanao massacre.

Noong Disyembre 2019, napatunayan ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 na guilty ang walong miyembro ng pamilya Ampatuan at 20 iba pa sa 57 counts of murder. Hinatulan ang mga ito ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon na pagkakakulong at walang parole dahil sa kanilang koneksyon sa 2009 Maguindanao massacre.

Ayon kay Wilson Suba, officer in charge sa Planning Division ng DOJ, noong Disyembre 2018 ay tinanggal ng Reporters Without Borders ang Pilipinas mula sa listahan nito ng top five most dangerous countries para sa mga journalists.

Sa kasalukuyan ay may mga umiiral na batas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na layuning palakasin pa ang proteksyon para sa freedom of opinion and expression at maging ang kaligtasan na rin ng mga media workers sa bansa.