-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa ikalawang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Llexter Guzman, head ng Health Education and Promotion Unit ng DOH Region 2, sinabi niya na 33 kaso na ang naitala sa rehiyon hanggang kahapon na mas mababa ng dalawang kaso kumpara noong nakaraang taon.

Ang cumulative number of cases para sa taong 2023 ay 33 cases na 6% na mas mababa kumpara noong 2022 na may 35 cases.

Pinakamarami pa rin sa mga biktima ang lalaki na may edad isa hanggang 43.

Pinakamarami sa may naitalang kaso ang lalawigan ng Cagayan na may 13 habang ang Isabela ay may 9 na kaso, 7 sa Nueva Vizcaya at 4 sa Quirino.

Ayon kay Guzman, pinakamaraming naitalang injury ay sa kamay at mata at 64% sa mga biktima ay mga passive users ng paputok o hindi sila ang mismong nagpaputok.

Nangunguna naman sa talaan ang kwitis na may pinakamaraming nabiktima.

Maliban sa naging kampanya ng DOH laban sa paputok ay malaki ang naitulong ng panahon sa pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok ngayong taon.

Maulan ang pagsalubong ng bagong taon kaya hindi masyadong nakapagtagal ang mga nagpapaputok sa labas kaya walang gaanong maraming naputukan.

Bagamat ganito ang datos ay hindi pa naman natatapos ang monitoring ng DOH dahil hanggang bukas, January 5 pa ang kanilang monitoring.

Pinaalalahanan ng DOH ang mga mamamayan na iwasan na ang pagpapaputok upang makaiwas sa aksidente.