Bilang ng mga indibidwal na inilikas sa bayan ng Lingayen, nasa 44 katao na dahil sa bagyong Egay
Unread post by bombodagupan » Thu Jul 27, 2023 5:50 am
BOMBO DAGUPAN – Umaabot na sa 44 indibidwal o katumbas ng siyam na pamilya ang inilikas sa bayan ng Lingayen dulot ng bagyong Egay.
Ayon kay Kimpee Jayson Cruz, ang Local Disaster Risk Reduction Management Officer II, ang naturang mga evacuees ang kanilang minomonitor katuwang ang Municipal Social Welfare Development at nakasuporta rin aniya ang kanilang Mayor na si Leopoldo N. Bataoil.
Bago pa man aniya manalasa ang bagyo ay nagsasagawa na sila ng pre-disaster assessment kasama ang iba’t ibang mga ahensya kung saan kanilang pinag-usapan ang mga paghahanda sa sakuna.
Tiniyak naman nitong handang-handa ang kanilang hanay sa mga epekto ng bagyo.
Sa kasalukuyan ay partikular nilang binabantayan din ang mga high risk areas na madalas mabaha gaya na lamang ng Brgy. Libsong East at West, Poblacion, at Sabangan na siyang malalapit sa mga kailugan.
Dagdag pa nito na nagsisilbing catch basin ang bayan ng Lingayen dahil humupa na ang lahat ng baha sa mga munisipalidad at ito aniya ang nahuhuli.
Samantala, hindi bababa sa 15 pamilya na kinabibilangan 36 na katao ang inilikas sa bayan ng Alcala dadil sa matinding pag-ulan at pagbaha.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Reuben Rivera, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer IV ng naturang bayan, sinabi nito na pansamantalang tumutuloy ang inilikas mga pamilya mula sa Brgy. Canarvacanan dahil sa pagtaas ng tubig sa kanilang lugar na nagsanhi ng pagbaha dito.
May mga nasira na mga pananim sa kanilang nasasakupan ngunit hindi pa natukoy umano kung ilan ito kaya inaantay pa nila kung ano ang feedback ng kanilang agricultural office dito.
Wala naman silang naitalang anumang casualty o mga matitinding sira na mga imprastraktura maliban na lamang sa isang bahay na bahagyang nasira .
Kaugnay nito, hindi pa naman umano malalim ang kanilang mga river water system dahil nasa normal pa sa kasalukuyan.