Nababahala na ngayon ang ilang grupo ng mga guro sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga estudyanteng nakikilahok sa distance learning matapos tumama ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Benjo Basas, national chairperson ng Teacher’s Dignity Coalition, sinabi nitong posibleng isang rason sa mas lalo pang pagbaba ng sumasali sa distance learning ay ang pagkansela sa “dry run” para sa face to face classes sa Enero 2021.
Sinabi ni Basas na parehong bumaba ang mga batang nawawalan ng intertes sa modular at online mode na pamamaraan ng pag-aaral ngayong pandemic.
Kung dati raw nasa 40 mga estudyenteng dumadalo sa onlie classes ay nasa 30 na lamang ang nagkakainteres.
Dagdag niya, maging ang mga sumasagot daw sa mga modules ay bumababa na rin pero mayroon pa rin namang mga estudyante ang matiyagang nagsusumite ng mga nasagutang modules.
At kahit daw magpasa ng nasagutang modules ay limitado rin lamang ang sagot dito.
Pero naiintindihan naman daw ng grupo ang hakbang ng pamahalaan dahil ayaw lamang nilang mapahamak ang mga kabataan sa nakamamatay na sakit.
Welcome rin umano sa grupo ang desisyon ng pamahalaan na kanselahin ang limited face-to-face classes pa nakatakdang isagawa ang pilot testing sa buwan ng Enero.
Noong Sabado nang pormal nang kanselahin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pinaplantsang pilot testing matapos ang napabalitang mayroong kumakalat na bagong strain ng COVID-19.