CAUAYAN CITY- Tumataas pa rin ang mga COVID-19 patients na dinadala sa mga pagamutan.
Inihayag ni Dr. Rhoda Jacqueline Gaffud, Chief of Hospital ng Echgaue District Hospital sa talakayang pandemiya sa Bombo na kapansin-pansin na mas marami ang moderate to severe cases ngayon kumpara noong nakaraang taon at karamihan sa mga na-admit ay staff ng pagamutan na nagpositibo.
Sa kasalukuyan ay nasa 45 na positibong kaso ng COVID-19 ang nasa kanilang pangangalaga, 5 ang suspect at tatlo ang probable cases na tila sobra sobra para sa 27 bed capacity ng kanilang ospital.
Ayon kay Dr. Gaffud bilang pagtalima sa kahilingan ni Governor Rodito Albano ay patuloy nilang dinadagdagan ang kanilang bed capacity na sa kasalukuyan ay nasa mahigit 150 na 50% ang occupancy rate.
Bilang tugon ay magdadagdag sila ng bahay tibay na isang proyekto ng pamahalaang panlalawigan na layuning magtayo ng mga bahay na maaaring mapaglagyan ng mga karagdagang kaso at pasyente.
Hindi naman na isinasailalim sa RT-PCR test ang mga gumaling na sa COVID-19.
Samantala, kung sakaling muling makaranas ng sintomas ang mga gumaling na sa COVID-19 ay muling isasailalim ang pasyente sa routine process at quarantine bago muling isailalim sa RT-PCR testing.
Kung mag-negatibo ay papauwiin na ang pasyente ngunit kailangan nitong tapusin ang kanyang 14 day quarantine sa loob ng bahay o quarantine facility.