-- Advertisements --

Ikinagulat ni Senator Risa Hontiveros ang hawak nitong datos mula sa Bureau of Immigration (BI) na nagpapakita kung gaano karaming Chinese nationals ang nagpunta sa bansa simula noong 2017.

Sa ika-pitong pagdinig ng Senado ngayong araw sa tinaguriang “pastillas” scam, isiniwalat ni Hontiveros na aabot ng apat na milyong Chinese ang nagtungo sa Pilipinas kumpara sa kabuuang populasyon ng Quezon City na mayroon lamang halos tatlong milyong residente.

Dagdag pa ng mambabatas na sa nasabing bilang ay 3.8 million Chinese ang non-Visa Upon Arrival (VUA) applicants at tanging 150,000 lamang ang VUA applicants.

Ang VUA program ay isang landed visa scheme na inilunsad ng pamahalaan noong 2017 upang dumami pa ang Chinese tourists na magnanais bumisita sa bansa.

Sa ilalim ng naturang programa, sinomang VUA grantee ay papayagan na pumasok at mamalagi sa bansa sa loob ng 30 araw na hindi kakailanganing kumuha ng entry visa mula sa Philippine consulate.

Pinaniniwalaan na tatlong miyon sa mga non-VUA applicants na ito ang sangkot sa pagbabayad ng P10,000 bilang service fee sa “pastillas” scheme.

Tinataya namang aabot ng P30-P40 million pesos ang kinita ng mga opisyal na nasa likod ng pastillas scheme at VUA system.

Humarap din sa pagdinig si dating BI ports chief Marc Red Mariñas na umano’y “ring leader” ng pastillam scam. Ito’y matapos siyang ma-cite in contempt dahil sa ilang beses nitong hindi pagsipot sa mga nagdaang hearing.

Sa pagtatanong ni Hontiveros, sinubukan nitong alamin kung nakapunta na si Mariñas at ang mga kaibigan nito sa mga high-end clubs.

Kaagad naman itong inamin ni Mariñas, aniya mayroon silang natatanggap na imbitasyon mula sa kanilang mga kaibigan sa labas ng ahensya.