Lumobo na sa 340 ang bilang ng mga biktima ng paputok sa pagsalubong ng 2020.
Sa pinakahuling data ng Department of Health (DoH), may karagdagan pang 52 na biktima ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Gayunman, sinabi ng DoH na mababa pa rin ito ng limang pursiyento kung ikukumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon.
Sa nasabing bilang, 339 ang tinamaan ng paputok at isa naman ang nakalunok ng paputok.
Wala namang napaulat na tinamaan ng ligaw na bala at wala ring nasawi.
Karamihan sa mga tinamaan ng paputok ay mula sa National Capital Region (NCR) (168), Region 6 (36), Region 1 (29), Calabarzon (23), Region 3 (22), Region 2 (16).
Tig-14 na kaso naman ang naitala sa Regions 5 at 7 habang anim sa Region 12 at tatlo sa Region 10.
Tig-tatlo naman ang naitalang biktima sa Mimaropa, Cordillera Administrative Region (CAR) at Region 8 at tig-iisa sa Region 9 at 11.
Sa mga biktima, 245 ang nagtamo ng blast burn, 82 ang eye injuries at 14 naman ang kailangang ma-amputate o maputulan ng bahagi ng kanilang katawan.