Nakaambang magpatupad ang mga kompaniya ng langis ng bigtime oil price hike sa susunod na linggo kasunod ang pag-atake ng Israel sa military at nuclear facilities ng Iran.
Ang Iran nga ang isa sa pinakamalaking producers ng langis sa buong mundo.
Ang naturang pagtaya ay nakabase naman sa nakalipas na trading days.
Sa presyo ng gasolina at diesel, inaasahang magkakaroon ng umento na P1.70 hanggang P1.90 kada litro.
Habang sa kerosene naman, inaasahan ang umento na P1.40 hanggang P1.60 kada litro.
Inaasahang opisyal na ia-anunsiyo ng mga kompaniya ng langis ang price adjustment sa araw ng Lunes at magiging epektibo ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo sa araw ng Martes, Hunyo 17.
Ang kasalukuyan ngang geopolitical tension sa pagitan ng Israel at Iran ay pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo, kung saan ang bawat pagganti ng pag-atake ay nagdudulot ng takot sa pandaigdigang merkado.
Una na ngang naglunsad ng pag-atake ang Israel sa mga military at nuclear facilities ng Iran, bilang ganti nagpakawala din ang Islamic Republic ng mga serye ng ballistic missiles sa Israel.