-- Advertisements --

Nagsampa ng kaso si dating U.S. President Joe Biden laban sa U.S. Department of Justice (DOJ) upang pigilan ang planong paglalabas ng audio recordings at transcripts ng kanyang pribadong pag-uusap sa kanyang biographer noong 2016 at 2017.

Ayon sa reklamo na inihain sa federal court sa Washington, D.C., nakatakdang ilabas ng DOJ sa Hunyo 15 ang mga naturang materyales sa U.S. House Judiciary Committee at sa conservative group na Heritage Foundation.

Ang nasabing grupo ay humiling ng mga dokumento bilang bahagi ng impormasyong ginamit sa imbestigasyon ni dating Special Counsel Robert Hur noong 2023 kaugnay sa paghawak ni Biden ng classified documents.

Giit sa demanda, inaabuso umano ang proseso ng request ng komite upang maiwasan ang mga probisyon ng Freedom of Information Act na naglilimita sa paglalabas ng naturang impormasyon.

Hinihiling ng kampo ni Biden sa korte na ideklarang ”not valid” at “pretextual” ang request ng komite at tuluyang ipagbawal ang paglabas ng mga recording.

Samantala, sinabi ng isang tagapagsalita ng DOJ na nais umano ng ahensya na ilabas ang mga recording upang makita ng publiko ang nilalaman nito, na anila ay nagpapakita ng kondisyon ng pag-iisip ng dating pangulo.

“We will fight to ensure the American people can hear these recordings and draw their own conclusions,” ayon sa DOJ spokesperson.

Mariing itinanggi ng kampo ni Biden ang mga paratang, at sinabing ang mga recording ay ibinigay sa kondisyon na hindi ito ilalabas sa publiko.

Ayon kay TJ Ducklo, tagapagsalita ni Biden, nakipagtulungan na ang dating pangulo sa imbestigasyon ni Hur, at iginiit na hindi na lang ito usapin ng transparency kundi ng pamumulitika.

Nabatid na ang mga recording ay bahagi ng proseso ng pagsulat ng memoir ni Biden na “Promise Me, Dad,” na tumalakay sa kanyang buhay habang nilalabanan ng kanyang anak na si Beau Biden ang brain cancer.

Nauna nang pinayagan ng korte si Biden na makialam sa kaso ng Heritage Foundation laban sa DOJ, ngunit hindi siya pinayagang kuwesyunin ang request ng U.S. House Judiciary Committee.