-- Advertisements --

Ipinahiwatig ni dating U.S. Vice President Kamala Harris na maaari siyang tumakbo muli sa pagkapangulo sa 2028, bagama’t wala pa siyang pinal na desisyon.

Sa isang meeting ng National Action Network sa New York City, diretsahang tinanong si Harris kung plano niya muling sumabak sa presidential race. Tugon niya, “I might, I might. I’m thinking about it,” na sinalubong naman ng malakas na palakpakan.

Dagdag pa ni Harris, isasaalang-alang niya ang desisyon batay sa kung sino ang pinakamainam na mamuno para sa mamayan ng Amerika sa 2028.

Magugunitang si Harris, na nagsilbing vice president sa ilalim ni dating U.S. President Joe Biden, ay natalo sa 2024 presidential election kay Donald Trump, na nanalo sa parehong popular vote at Electoral College.

Bago maging bise presidente, nagsilbi rin si Harris bilang U.S. senator at attorney general ng California, at dati na rin siyang tumakbo para sa Democratic presidential nomination noong 2020.

Ayon sa mga political observers, maaaring maging hamon sa kanya ang muling pagtakbo dahil sa mga panawagan ng ilang botante na mas bagong liderato ang kailangan sa Democratic Party matapos ang pagkatalo niya noong 2024.

Dumalo rin sa naturang pagtitipon ang ilang posibleng kandidato sa 2028 tulad nina Pennsylvania Governor Josh Shapiro, dating Transportation Secretary Pete Buttigieg, at Illinois Governor JB Pritzker.