-- Advertisements --

NAGA CITY – Wala pa umano sa “celebration mood” si Patrick Henry Lucovice matapos na kilalanin bilang Top 1 sa isinagawang Geologist Licensure Examination.

Si Ludovice ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Geology sa Partido State University noong 2020.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Patrick, sinabi nito na hanggang ngayon kasi ay nasa estado pa siya ng pag-catch up sa mga nangyari kaya hindi pa maiplano ang pagdiriwang.

Ayon sa nasabing Bicolano topnotcher, kabilang sa mga naging inspirasyon nito para mag-aral ng Geology ay ang kanyang pamilya, nobya, mga kaibigan, at ang pagkahiling mismo sa Siyensya.

Gusto rin daw niya na makapag-travel kaya kinuha nito ang kursong BS Geology at iniwan ang dati nitong kursong pharmacist.

Pagbabalik-tanaw nito noong naghahanda pa sa eksaminasyon, nagkulong aniya siya sa kanyang kuwarto sa loob ng tatlong buwan upang makapag-focus sa pagre-review.

Nagkaroon rin daw siya ng mahabang panahon na “hiatus” sa pagre-review matapos na makansela ang pagsusulit noong nakaraang taon.

Una rito, sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Council, nanguna si Ludovice na mayroong overall rating na 82.2%.

Paalala naman nito sa mga nagbabalak na mag-aral ng Geology na huwag magpasilaw sa laki ng suweldo o anupaman na dahilan, bagkus, dapat pag-aralan ng isang estudyante kung ano ang gusto o passion nito upang makamit ang pangarap sa buhay.