Naka-heightened alert na rin ang mga personnel ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang ports nationwide dahil na rin sa patuloy na pagbuhos ng mga international passengers na magbabakasyon sa panahon ng Undas.
Ayon kay BI Commisssioner Jaime Morente, pinaalerto na niya ang kanilang mga tauhan sa mga paliparan para maiwasan ang human trafficking syndicates na samantalahin ang holiday break para maipuslit ang kanilang mga biktima.
Ibinunyag din ni Morente na base sa mga intelligence reports, posible raw gamitin ng mga international human smuggling syndicates ang okasyon ang Manila bilang transit point ng illegal aliens na gustong pumasok, mag-settle at magtrabaho sa bansa.
Para naman kay BI port operations division chief Grifton Medina, siniguro nitong ang mga BI officers na naka-assign sa mga immigration counters ay maingat at mapagmatyag sa pag-screen sa mga paparating at papalabas na pasahero sa bansa.
Sinabi nitong mahigpit ang kanilang direktibang huwag magpa-distract ang mga BI officers sa malaking volume ng mga travelers na lagi namang bumubuhos sa mga paliparan tuwing holidays.