-- Advertisements --

Mahigpit ngayon ang bilin ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang nga officers na nakadestino sa international airports na huwag mag-post sa social networking site na Tiktok ng mga videos na sumasayaw o kumakanta gamit ang kanilang uniform.

Sa memorandum sa lahat ng BI port personnel, sinabi ng Immigration port operations chief Atty. Carlos Capulong ang mga empleyadong hindi susunod sa kanilang direktiba ay posibleng maharap sa administrative cases dahil sa insubordination at misconduct.

Kasabay nito, sinabi rin ni Capulong na ipinag-utos na raw ni BI Commissioner Jaime Morente na imbestigahan ang mga lumabas na balitang mayroong BI employees na nakadestino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na patuloy na nagpo-post ng kanilang mga videos sa Tiktok na kanilang kinuha habang naka-duty at nakasuot ng official uniform.

“I was instructed by Commissioner Morente to hold these errant employees liable by forwarding their cases to our board of discipline for investigation and filing of the appropriate administrative cases,” ani Capulong.

PInaalalahan din ni Capulong ang lahat ng BI personnel na mahigpit na sundin ang pagbabawal sa paggamit ng cellular phones at other electronic gadgets habang naka-duty.

Kung maalala, Disyembre noong nakaraang taon nang ipagbawal ni Morente sa mga BI employees ang pag-post ng kanilang Tiktok videos kapag nakasuot ng BI uniform.

Iginiit noon ni Morente na dapat ay magkaroon ng professionalism at integrity.

”Our policy on the wearing of the BI uniform is clear. As public servants, employees must proudly wear their uniform at all times, present a professional image to the public and observe proper decorum and good taste in all their actions while they are on duty,” ani Morente sa kanyang memorandum.

Dagdag nito, ang Tiktok videos ay posibleng magpababa sa reputasyon at lumikha ng negatibong imahe sa personnel ng agency lalo na sa mga frontline immigration officers.