Handang-handa umano ang Bureau of Immigration (BI) sa pagbuhos ng mga byahero, papasok o palabas man ng ating bansa ngayong Lenten season.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, pinaghandaan nila kahit ang mas maagang pagdami ng mga pasahero sa mga paliparan kaya kampante silang walang magiging aberya, kahit bago pa man ang seman santa.
Katunayan, nagdeploy na sila ng karagdagang 155 na immigration officers upang masiguro na may tao sa kanilang mga counter para maagapayan ang mga maglalakbay.
Pagtaya ng opisyal nasa mahigit 40,000 ang daily arrivals at departures sa mga paliparan sa peak days.
Maging ang kanilang mga tauhan ay hindi na ikinabigla ang “No leave Policy” sa holy week, dahil normal na itong ipinaiiral kada taon.
Tiniyak din ni Sandoval na mahigpit silang naka-monitor kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno sa kalagayan ng mga paliparan sa buong kapuluan.