-- Advertisements --
BI bureau of immigration

Inalerto ng Bureau of Immigration ang publiko na maging maingat sa mga pekeng website na nagpapanggap na sila ay lehitimong e-Travel site ng ahensya.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng pagiging vigilante ng publiko at agarang pag-uulat ng ganitong kaso sa mga kinauukulan. 

Sinabi pa ni Tansingco na hinihikayat nila ang publiko na maging mapagbantay at mag-ingat online.

Marami aniya kase ang  mga scam sa internet kabilang na ang maling paggamit ng mga kredensyal sa e-travel upang magnakaw ng data at linlangin ang mga tao sa pagpapadala ng bayad.”

Dagdag pa niya, nag-aalala sila na mas maraming scam website ang maaaring lumabas sa darating na long weekend at holiday season.

Una rito ay nakatanggap  umano ang BI ng mga ulat ng mga taong nabiktima ng mga scam site at hinihingan umano sila ng bayad sa paggamit ng naturang e Travel site.

Binigyang-diin ni Tansingco na ang paggamit ng e-travel website ay libre lamang.

Ang eTravel ay inilunsad noong unang bahagi ng taong ito, at nagsisilbing nag-iisang platform sa pagkolekta ng data para sa mga darating at papaalis na pasahero. 

Mayroon itong integrated border control, health surveillance, at economic data analysis.

Ito ay pinagsamang proyekto ng ahensya kasama ang Department of Tourism , Department of Information and Communications Technology , Bureau of Quarantine , Bureau of Customs , Department of Health ,Department of Transportation , Department of Justice at ang National Privacy Commission .

Ito ay kapalit rin ng paper based arrival at departure card, pati na rin ang quarantine form.

Samantala, hinimok ng BI ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinala o mapanlinlang na website sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center.