-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga papaalis na overseas Filipino workers (OFWs) na dapat ay magprisinta ang mga ito ng kumpletong travel at work documents bago sila makaalis.

Ang direktiba ni BI Commissioner Jaime Morente ay kasunod na rin ng pagkaharang ng limang OFWs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mabigong magprisinta ng required work o employment visas.

Binigyang diin ni Morente na ang kasalukuyang rules para sa lahat ng mga papaalis na OFWs ay kailangan nilang kumuha muna ng employment visa na inisyu ng bansa kung saan sila pupunta at magtatrabaho.

Dagdag ng BI chief hindi raw sapat ang valid overseas employment certificate (OEC) mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para payagan ang mga OFWs na umalis ng bansa kapag wala naman itong working visa.

Giit pa ni Morente ang mga OFWs na bibiyaheng may tourist visas ay hindi papayagang umalis sa ilalim ng revised guidelines sa mga international passengers na direktiba ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Una rito, noong Nobyembre 21 nang maharangang ang limang lalaking pasahero sa NAIA 3 terminal bago pa man makasakat sa Emirates flight patungong Dubai, United Arab Emirates.

Dumaan ang mga pasahero sa secondary inspection matapos mahalata ng BI officers na bibiyahe ang mga ito sa UAE  gamit ang tourist visas pero mayroon din silang dalang valid OECs.

Sa isinagawang interview sa limang Pinoy, sinabi raw ng kanilang recruiters na ang kanilang mga dokumento ay maiko-convert sa working visas kapag nakarating na sila sa UAE basta raw mag-negatibo ang mga ito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Dubai airport.

Inamin din ng mga itong magtatrabaho bilang mga pintor at pipe installer sa emirate.

Dahil dito, inabisuhan na lamang ang limang Pinoy na mas mabuting kumuha na lamang muna sila ng employment visa para makaalis sa bansa.