Lalo pang pinaigting ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang kampanya laban sa illegal aliens kasunod ng panawagan ng higpitan ang regulasyon sa pagpapapasok ng mga foreigners sa bansa.
Sa statement na inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente, nagsagawa na raw ng adjustment ang BI para siguruhing ang mga lehitimo at dokumentadong foreign nationals lamang ang mga makakapasok sa bansa.
Ang statement ng BI ay kasunod na rin ng pahayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na pagbuhos ng mga Chinese nationals na nagiging banta umano sa seguridad ng bansa.
Una rito, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na ang pagdami ng ano mang foreign nationality ay palagi namang security concern.
Pero para sa BI, sinabi ni Sandoval na ang pagdami ng Chinese nationals ay resulta ng bagong trend sa industriya at turismo.
Inihalimbawa ni Sandoval ang online gaming industry na nagsulputan at nakaakit sa mga dayuhan para magtrabaho sa Pilipinas.
Dagdag ng tagapagsalita ng BI, maraming Chinese nationals sa bansa dahil pinipili nila bilang isa sa kanilang top destinations ang Pilipinas.
Ani Sandoval, nangyari na rin ito noong mga nakalipas na panahon kung kailan mataas ang bilang ng mga Korean national nang pumatol ang language institutions na nagtuturo ng English.
Katwiran pa ni Sandoval, ang Chinese tourism ay hindi lamang nangyayari dito sa Pilipinas, kundi sa iba pang mga bansa.
Sa kabila nito, tiniyak ni Sandoval na ang Immigration Bureau ay patuloy na nagmo-monitor sa pagbuhos ng mga Chinese sa Pilipinas.
Partikukar na binabantayan ng BI ang pagpasok ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho ng iligal sa bansa.
May mga naaresto na rin aniya ang BI na mga Chinese at naipa-deport na.
Ang mga banyaga ay pinagbawalan na ring makabalik o makapasok sa Pilipinas.