Inihayag ng Bureau of Immigration na kanilang planong ipagpatuloy pa rin ang pagtutok sa pagpapaigting ng ‘border control’ sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy ang kanilang ugnayan at koordinasyon sa ibat ibang mga ahensya para palakasin ang pagbabantay sa ‘borders’ ng Pilipinas.
Layon aniya nila rito mapanatili ang mga ginagawang hakbang laban sa mga kaso ng ‘human trafficking’ at ‘illegal recruitment’ dulot ng pagtakas ng ilan sa mga borders ng bansa.
Kaugnay ang pahayag sa muling pagbibigay babala ng kawanihan sa publiko ukol sa mga indibidwal na gumagamit ng ‘illegal exits’ o tinatawag rin bilang ‘backdoor’.
Saad kasi ng BI na mas mataas ang tyansang maging biktima ng ‘exploitation’ ang isang Pilipino na nais lamang makapagtrabaho abroad kung ito’y dumaan sa backdoor exits.
“Unauthorized departures such as these heighten the risk of abuse and restrict access to protection mechanisms overseas,” ani BI Comm. Viado.
Ang isang non-governmental organization naman na International Border Management and Technologies Association ay itinuring ‘global issue’ ang patungkol sa mga kaso ng illegal migration at human trafficking.
Ayon kay Sharon Ayley ng IBMATA, hindi lamang sa Pilipinas ito problema kundi maging sa ibang bansa ay kapwa kinakaharap rin ang isyu patungkol sa ‘border controls’.
Naniniwala siyang pasimuno ang mga grupo ng sindikato sa mga ilegal na gawain tulad nito at sangkot o kasama pa aniyang malalaking pera.
Subalit sa kabila nito’y pinuri naman ni Ayley ang mga ginagawang hakbang ng Bureau of Immigration partikular sa pagbabantay nito sa ‘borders’ ng bansa.
Partikular na kanyang ikinatuwa ang integrasyon ng makabagong teknolohiya sa mga paliparan tulad ng e-gates, dagdag seguridad at advance passenger information system ng kawanihan.
Kanya namang binigyang pagkilala ang importansya sa pagkakaroon ng ‘awareness campaigns’ sa bansa.
Malaking tulong aniya ito upang mabigyan at maturuan ang mamamayan ukol sa mga kaso ng traficking at maiwasan ang maging biktima.















