Nakatanggap ng dalawang sunod-sunod na kabiguan sa korte ang administrasyon ni US President Donald Trump ukol sa imigrasyon matapos harangin ng isang pederal na hukom ang panukalang limitasyon sa mga visa at maghain naman ng demanda ang higit dalawampung estado laban sa bagong amenda sa pagkuha ng residency status.
Pansamantalang pinaralisa ni US District Judge F. Dennis Saylor IV sa Boston ang panukala ng Department of Homeland Security (DHS) na magpapataw ng fixed time limits sa pananatili ng mga dayuhang estudyante at mamamahayag sa US nang walang extension. Lilimitahan sana sa apat na taon ang F at J visas para sa mga estudyante at exchange program participants, at 240 araw naman sa I visas ng foreign journalists, ngunit inilarawan ng hukom na napakahina ng katuwiran ng DHS at nagdudulot ito ng malaking pinsala sa ekonomiya at edukasyon ng bansa.
Sa hiwalay na legal na hidwaan, dalawang demanda ang inihain sa Manhattan federal court ng koalisyon ng 22 estado sa pangunguna ng New York, California, at Illinois, kasama ang anim na lungsod at kondado. Layunin ng sakdal na harangin ang regulasyon ng DHS na magpapalawak sa pamantayan ng public charge, kung saan maaaring ihindi o ideklara bilang inadmissible sa pagkuha ng green card ang mga imigranteng gumagamit ng mga legal na tulong pampubliko.
Kinondena ng mga lokal na opisyal, tulad ni New York City Mayor Zohran Mamdani, ang panukalang ito at sinabing itinutulak nito ang mga pamilyang imigrante na lumayo sa mga pampublikong programang tumutulong sa kanilang kalusugan at pagkain. Iginiit ng mga petitioner na lumagpas ang administrasyon sa kapangyarihan nito dahil Kongreso lamang ang may solong awtoridad na magtakda ng pamantayan para sa permanent residency.
Samantala, ipinagtanggol ng tagapagsalita ng DHS ang kanilang regulasyon at sinabing natatakot lamang ang mga lider ng sanctuary states na mawalan ng pederal na pondo kapag kusa nang umalis ang mga hindi kwalipikadong dayuhan sa welfare programs ng Amerika.
















