Inalerto na ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang mga paliparan at pantalan na magpatupad ng mas mahigpit na screening sa mga Pinoy na patungong Dubai.
Kasunod na rin ito ng mga ulat ng insidente ng human trafficking ng mga sindikato na target ang mga Pinoy at ginagamit ang Emirate bilang transit point para makapagpadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) patungong Iraq.
Ginawa ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang kautusan matapos ilang alertuhin ng Department of Foreign Affairs (DFA) patungkol sa umano’y recruitment ng sindikato sa mga manggagawang Pinoy sa pamamagitan ng social media na hinikhikayat at pinapangakuan ng trabaho sa Iraq sa kabila ng mayroon pa ring umiiral na deployment ban ang pamalaan sa naturang bansa.
Ayon sa report, pinapalabas sa advertisement online na maraming job vacancies at lifted o tinanggal na ng Pamahalaang Pilipinas ang deployment ban ng mga OFW patungong Iraq.
Ayon kay Morente, inatasan na niya ang mga immigration personnel na maging mas alerto sa pagbibigay ng clearance sa mga paalis na Pinoy patungong Dubai partikular ang mga turista.
Pinababantayan din ng BI ang ilang partikular na mga pangalan ng mga OFW’s na umano’y iligal na na-recruit na para magtrabaho bilang mga waiter sa Baghdad.