Nakahanda na raw ang Bureau of Immigration (BI) na isama na rin ang bansang France sa red list countries na hindi papayagang pumasok sa bansa simula December 10.
Sa isang statement, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente ito ay base na rin umano sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na pansamantala munang pipigilan ang mga pasaherong mula sa France na makapasok sa bansa.
Kabilang din sa mga ipagbabawal na makapasok sa bansa ang mga pasaherong nanggaling sa France sa loob ng 14 na araw bago pumasok dito sa Pilipinas.
“As with the other countries included in the ban, Filipinos coming in may return via government or non-government initiated repatriation and bayanihan flights,” ani Morente.
Sinabi naman ni BI Port Operations Chief Atty. Carlos Capulong, epektibo ang naturang direktiba hanggang Disyembre 15 at depende na lamang kung papalawigin pa ito ng IATF.
Muli namang pinaalalahanan ni Capulong ang mga pasaherong galing sa mga bansang nasa red list na haharap ang mga ito sa parusa kapag nagpumilit na pumasok sa bansa na paglabag sa Philippine Immigration Act.
Sa ngayon ang mga bansang nasa red list ay ang South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, Mozambique, Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium at Italy.